Kalaliman

Mahigit isang taon na pala mula ng huli akong sumulat dito.
Hindi maipaliwanag ang ka-busyhan na inabot ko ngayong nagdaang taon, pero may mga bagay na maganda na naipagkait kong ilathala sa aking munting likhang pahina.

Natagpuan ako ng PAG-IBIG, at labingtatlong buwan na akong nakikipagsapalaran sa gitna ng kalalimang ito.

Iniisip ko minsan, siguro kung ako ang tipong pala-bitaw, matagal na akong walang pag-ibig. Pero ang tunay na pag-ibig ay di kelan man bibitaw. Gusto kong magkaroon ng ganung wagas na pag-ibig. Maaring sasabihin mong isa akong martyr, at tama ka, isa nga siguro akong martyr kung ang pagbabasehan natin ay ang makasariling kahulugan ng salitang “pag-ibig” na itinakda ng karamihan. Pero gusto kong manatiling naniniwala na ang pagiging makasarili at pag-ibig ay hindi maaaring magsama kailanman.

Ang pag-ibig ay mapagparaya.

Sa oras na ito naiisip kong bumitaw. Nakakatuwa nga naman na nagbabalik ako sa pahinang ito dahil tila dito ko mabubuhos ang aking karimlan, dahil nga naman, may reputasyon itong magkalaman ng kabiguan. Pero gusto kong sumayaw sa tunog ng tambol na mula sa isang kakaibang daigdig, na kung saan nabibilang ang taong nakakarinig. Ayokong bumitaw kahit parang nahihirapan na ako sa hampas ng mga alon.

Labintatlong buwan na ang nakalipas at masasabi ko namang walang makahihigit sa ugnayan na mayroon ako ngayon. Hindi mapapantayan ang ligaya na mayroon ako sa isang biyayang lubos na naabot ang kaibuturan ng puso ko. Hindi ko rin naman pwedeng sabihin na ang ugnayan na ito ay walang pintas, sapagkat ako ay tao, ang aking sinisinta ay tao rin naman at kami ay maraming pagkakaiba sa aming mga pagkatao.

Ang anumang ugnayan na nagsisikap manatiling magkasama ay mananatiling susuong sa anumang alon na magaganap sa kalaliman nito. Hindi palaging payapa ang tubig. May mga pagkakataong daraan ang buhawi para gisingin ang karimlan. Ang ugnayan na mananatili at makukuhang nakasuong sa kalaliman ang magtatagumpay. Hindi siya mapaparam sa hampas ng agos. Siya ay mananalig sa kahulugan ng Pag-ibig at mananatiling nakalubog sa kabuuan ng kalaliman na ito at hahayaang lamunin ang sariling kagustuhan.

Sa oras na ito, pipiliin kong lumubog sa kalaliman.
Naniniwala ako na aabot ang mga kamay ng siyang hahagkan sa akin
at magpapakita na ang buhawi ay muling lumipas na.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.